|
Public
statement |
|
|||
|
|
Nakalaya man si Angelo de la Cruz mula sa
pagkakabihag ng mga terorista sa Iraq, ang paglaya naman ng ating sektor
mula sa gapos ng kahirapan at pang-aapi ay hindi pa din matugunan ng
administrasyong Arroyo.
Gayundin, patuloy na lumalala ang banta
ng kawalan ng trabaho sa manggagawa. Sa kasalukuyan, nakaamba ang banta ng
malawakang tanggalan ng trabaho sa mga ahensya ng gubyerno upang
makabawas-gastos diumano sa pamahalaan. Sa kanyang ipinagmamalaking 10-Point
Agenda, ipinamamandila ni Pangulong Arroyo na bago matapos ang kanyang
anim na taon ng panunungkulan ay makakalikha siya ng 10 milyong trabaho.
Ngunit sa pag-aaral, tinatayang kakailanganing lumago ang ekonomiya
ng 7 porsiyento kada taon upang makamit ang ambisyosong pangako na ito.
Ngunit paano lalaki ang ekonomiya kung
patuloy na ipatutupad ng pamahalaan ang mga patakarang nagbubukas lamang
sa ating bansa sa patuloy na daluyong ng globalisasyon?
Kung patuloy ang liberalisasyon o ang pagbaha sa lokal na pamilihan
ng mga dayuhang produkto na pumapatay sa ikinabubuhay ng milyon-milyong
Pilipino? Kung patuloy lamang
na mangungutang ang gubyerno para sa mga imprastrakturang kinukurakot
lamang ang pondo pero mamamayan ang nagbabayad sa pamamagitan ng mga buwis? Bunga ng mga patakarang nagreresulta
lamang sa matinding kahirapan at kawalan ng trabaho dito sa Pilipinas,
napipilitan ang mga Pilipino na makipagsapalaran sa ibang bansa at doon
maghanap ng trabaho. Ang nangyari kay Angelo de la Cruz ay isang halimbawa
lamang ng mga panganib na sinusuong ng ating mga kababayan sa ibang bansa.
At hindi lingid sa atin na mas malupit o higit na kaawaawa ang sinapit ng
iba pa nating mga kababayan bunga ng mga pagmamaltratong dinanas nila sa
ibang bansa. Ang pagpapalago ng ating lokal na
ekonomiya kasabay ng pagkakaroon ng sapat, disente at permanenteng trabaho
o “full employment” ang tutugon sa problema ng mga manggagawa. Ito ang
programa na kailangang atupagin ng gobyerno at hindi ang patuloy na
pagpapalabas o pag-eksport ng mga manggagawa sa ibang bansa. Hindi dapat
inaasa ng gobyerno sa mga OFWs ang pag-unlad ng ating ekonomiya kundi sa
mga kongkretong programa ng pagtalikod sa mga patakaran ng liberalisasyon,
deregulasyon, pribatisasyon, atbp. Sapat, disente,
at permanenteng trabaho para sa lahat! Ipatupad! Mabuhay ang manggagawa!
Mabuhay ang Unyonismo
ng Masang Pilipino! See also: GMA’s promise of 6-10 M jobs a sick joke on workers - 6 M unemployed in 2010 Pahayag ng Stop the New Round! Coalition State of the Nation Address (SONA) July 28, 2003 The Strong(arm) Republic: APL Comments on GMA's SONA A Joint Statement on the State of the Nation Address - 22 July 2002 'Strong Republic' - Martial Law Resurrected! - July 30, 2002
|
|
||
|
|
||||
|
HOME | ABOUT APL | PRESS STATEMENTS | POSITION PAPERS | BASIC DOCUMENTS | RESOLUTIONS | AFFILIATES | LINKS |
||||
|
Alliance of
Progressive Labor (APL) 2004 |
||||