SONA NG BAYAN: INUTIL AT PINAKASUSUKLAMANG PANGULO NG PILIPINAS – TANGGALIN NA SA PWESTO!

BOBOLAHIN, lulunurin at lilituhin na naman ni Gloria Macapagal-Arroyo ang mamamayan ng kung anu-anong hokus-pokus na mga numero, istadistika at iba pang mga “katibayan” daw na siya lang naman at kanyang mga alipores ang nakaiintindi o naniniwala. Itatalak niya ang mga ito sa nakayayamot niya na namang talumpati sa kanyang SONA (state of the nation address) sa Kongreso ngayong Hulyo 28. Gayunpaman, asahan pa rin ang masigabong palakpakan mula sa kanyang mga linta at tutang tagasunod sa loob at labas ng gobyerno – hihimurin nga nila kahit talampakan ni Gloria basta’t patuloy din silang nakikinabang sa pinagpapasasaan ng pangkating Arroyo.

Ihahambog ba ni Gloria na sa nakalipas na isang taon “nakalikha” na naman siya ng daan-daan libong “trabaho”? Na dahil sa sinusunod na programang “pangkaunlaran” ng pamahalaan, “matatag” ang “pundasyon” ng pambansang ekonomya kaya’t kayang harapin ang umiiral na pandaigdigang krisis pangkabuhayan, laluna ang di-masawatang pagtaas ng presyo ng langis at mga pagkain, pangunahin na ang bigas at ang kasalatan ng suplay nito sa Pilipinas? Na tuluy-tuloy na naisasaayos ang pamamahala ng kanyang administrasyon, kabilang ang pagiging episyente, matapat at dedikadong paglilingkod sa taumbayan, at pagsunod nito sa mga panuntunang demokratiko?

Kahirapan ng mayorya, hungkag na ‘kaunlaran’ nina Gloria

Sa ikawalong SONA ngayon ni Gloria ano na ba talaga ang tunay na kalagayan ng ating bansa at mamamayan mula nang mailuklok siya noong 2001 matapos mapatalsik ang korap ding gobyernong Estrada, at tumuloy pa sa kaduda-dudang “pagwawagi” ni Gloria sa eleksyon noong 2004? Tiyak na uulitin niya na parang sirang plaka ang umano’y record-breaking niyang natamo noong isang taon sa “pagpapaunlad” ng pambansang ekonomya – ang “28 quarters of economic growth” at “pinakamabilis na paglago ng GNP (gross national product) ng bansa sa loob ng nakalipas na 30 taon!” Tunay ngang record holder ang rehimeng Arroyo sa maraming bagay, ngunit hindi talaga para sa kagalingan – kundi para sa kapinsalaan – ng mayoryang taumbayan:

Dalas at lawak ng karukhaan:Ayon sa poverty studies ng mismong gobyerno na ginagawa tuwing tatlong taon, lalong lumubha ang antas ng kahirapan mula 24.4% noong 2003 tungong 26.9% noong 2006. Kaya’t ang pagdami pa ng mahihirap na pamilya mula 4 na milyon hanggang 4.7 milyon – o katumbas ng 23.8 milyon hanggang 27.6 milyong katao. Ayon nga sa ibang pag-aaral, 85% sa mga Pilipino ay nabubuhay sa kulang pa sa $2 o lampas lang konti ng P80 kada araw. Isa sa mga epekto nito ang kawalan ng kakayahang magmay-ari sa lupa o magkaroon ng sariling disenteng tahanan. Kaya’t tinatantyang may 30 milyong urban poor o informal settlers sa buong bansa, kabilang ang 700,000 na pamilya o 52% ng buong populasyon sa Metro Manila! Sa kanayunan naman, pito sa 10 magsasaka ay hindi pag-aari ang kanilang lupang sinasaka, habang di-aabot sa 1/3 ng mga panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng mahigit sa 80% ng mga lupaing agrikultural!

Agwat ng mayayaman at mahihirap: Lalong lumalayo ang lamang sa yaman ng iilang dambuhalang mayayaman sa higit na nakararaming mahihirap mula 2003 hanggang 2006, ayon mismo sa pinakahuling Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng gobyerno. Aabot lang ng 8.6% ang pinagsamang kita (total family income o TFI) na pinaghahatian ng pinakamahihirap na 30% ng mga pamilyang Pilipino, habang 64.7% naman ang TFI ng pinakamayayamang 30%! Kaya kumakabig ang mayayaman ng P7.53 sa bawat P1 namang kinikita ng pinakadukhang 30%.

“Food-poor”: Lumaki pa ang bilang ng mamamayan na hindi kayang tugunan kahit ang minimum na pangangailangan sa pagkain. Ayon mismo sa gobyerno, mula 2003 hanggang 2006, tumaas sa 14.6% mula 13.5% ng mga Pilipino ang hindi sapat ang kinakain – o 10.8 milyon hanggang 12.2 milyon kataong gutom. Mababa pa nga ang pagtatayang ito dahil base ito sa mababang food threshold na ipinalabas ng gobyerno – P27.47 bawat araw lamang bawat tao o P137.35 bawat araw bawat 5-kataong pamilya. Salungat ito sa isa pang ahensya ng gobyerno, ang National Wages and Productivity Council o NWPC, na nagsasabi na ayon sa itinakda nitong living wage noong 2006, aabot ang minimum food requirements sa P33.52 bawat araw bawat tao o P167.60 bawat araw bawat 5-kataong pamilya. Hindi nakapagtataka na ilang milyong batang Pilipino ay malnourished o kulang sa timbang: 3.7 milyon na mga batang limang taon pabababa, at 2.4 milyon na 10 taon pababa. Ayon pa sa sarbey ng Social Weather Station (SWS), patuloy din ang pagdami ng mga pamilyang nakararanas ng gutom (involuntary hunger): 16.3% o 2.9 milyong pamilya mula Enero hanggang Marso lang ngayong taon.

“Inseguridad sa pagkain” at krisis sa bigas: Lalala pa ang problema sa kagutuman dahil sa kasalukuyang krisis sa pagkain, kabilang ang grabeng pagmahal at malaking kakulangan ng suplay ng bigas. Noong 2001 ang karaniwang presyo ng bigas ay P17 bawat kilo, sa ngayon pumapatak na ito ng P34 hanggang P36/kilo, at maaari pang tumaas. Sa kabila din ng nandito sa ating bansa ang International Rice Research Institute (IRRI) at ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) – na bantog sa buong mundo sa mga pananaliksik at programa kung paano paunlarin ang pagtatanim ng palay – pero ang Pilipinas pa ngayon ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo! Mula sa 808,000 metriko toneladang (MT) bigas na inangkat ng bansa noong 2001, ito’y sumirit pa sa 1.7 milyong MT noong 2006, at aabot sa 2.2 milyong MT ang pinaplanong angkatin ng ating bansa ngayong taon! Dagdag pa, sa unang apat na buwan lang ngayong taon, tumaas ang presyo ng bigas ng 44%, isda ng 14.3%, baboy ng 23%, manok at gulay ng 20%, at prutas ng 25%. Malaking repleksyon ito ng isang dispalinghadong polisiya ng gobyerno sa agrikultura at pati sa repormang agraryo, pagdepende sa importasyon, at sa kabuua’y kawalan ng maayos na programa sa food security.

Krisis sa enerhiya o langis: Patuloy na pumapailanglang ang presyo ng langis at iba pang mga produktong petrolyo. Tumaas ng 380% hanggang 420% ang halaga ng mga ito mula 2001 hanggang 2008, at tumataas pa – P62 na ang dating P16.56/litro ng gasolina; at P58 ang dating P13.82/litro ng diesel. Nito lamang Enero hanggang ngayong Hulyo o sa loob lang ng anim na buwan, 20 beses itinaas ang presyo ng mga produktong petrolyo – bagama’t nakakaloko, nakalilito at wala ring silbing “ibinaba” ng tatlong beses ang presyo ng mga ito. Ngayong Hulyo ang minimum na pamasahe sa Kamaynilaan lang ay tumaas ng 13% sa mga jeepney, 33.3% sa mga taksi, at 11% sa mga bus. Damay siyempre ang mga petrochemical-based fertilizers na ginagamit ng mga magsasaka, na tinatayang madodoble ang presyo sa P1,500 hanggang P1,900 bawat bag! Bagama’t may kinalaman ang international market (partikular ang samahang OPEC) sa pagtataas ng presyo ng petrolyo, mas grumabe ito sa atin dahil sa walang pakundangang pagkakamal ng tubo laluna ng “Big 3” oil companies – Shell, Petron at Chevron (dating Caltex). Tinatayang pinagtutubuan nila’y 47% hanggang 54% ng bawat retail price ng produktong petrolyo, na bilyon-bilyong tubo ang katumbas! Hinahayaan ito ng gobyerno dahil sa Oil Deregulation Law, na kung tutuusin ay pabor lang talaga sa naturang mga kumpanya – simula nang ipatupad ito noong 1996, tumaas ang presyo ng unleaded gas ng 492% at ang diesel nama’y 607%! Dagdag pa dito, ang ipinatong ng gobyerno na 12% expanded value-added tax (E-VAT) sa mga produktong petrolyo na pinapasan naman ng mga mamimili.

Mababang tunay na kantidad ng kita o sahod: Ayon pa sa FIES, bumaba sa P20,400 ang tunay na halaga (real value) ng average family incomes ng lahat ng mga pamilya sa panahon ni Gloria o mula 2000 hanggang 2006. Implikasyon nito para sa pinakamahihirap na 10% ng mga pamilyang Pilipino ay ang paglusong pa ng kanilang taunang kita mula sa mababa nang P25,000 noong 2000 tungo sa P23,000 noong 2006. Kaugnay nito, dahil sa kakarampot na “pagtaas” ng daily minimum wages sa Metro Manila mula 2001 hanggang 2007, hindi nga talaga aabot sa 1% ang itinaas sa real value ng mga ito o mula P246 noong 2001 hanggang P249 noong 2006, sa gitna naman ng pagtaas sa 21.5% sa presyo ng mga pagkain sa parehong panahon. Gayundin, ang pinakahuling P382 minimum wage ngayong taon sa NCR ay 38% lang talaga ng itinatakdang family living wage (FLW) dito na P871. Sa labas ng NCR, ang average na sahod ay 29% lang ng FLW at 34% naman sa antas-nasyunal.

“Inseguridad sa trabaho”: Isa sa mga pangunahing salik sa lumalala pang kahirapan sa gitna ng inihahambog na “kaunlaran” ni Gloria ay karamihan sa sinasabing mga hanapbuhay na “nalikha” ay mabababa ang kalidad at walang katiyakan. Mula 2001 hanggang 2006, lumalabas sa Labor Force Survey (LFS) ng DOLE na malaking bahagi ng mga naiempleyo ay yaong may mabababang sahod at di-regular na mga trabaho (at bawal ding mag-unyon, kaya’t mas lalong “api”) sa sektor ng agrikultura, wholesale and retail trade, construction, private households, at pati mga unpaid family workers. Samantalang kaunti lang ang itinaas ng mga regular na trabaho sa mahahalagang sektor sa manupaktura at agrikultura. Kahit sa pinakabagong LFS (Abril 2008), lumalabas na isa sa limang nakaempleyo ay naghahanap pa rin ng dagdag na trabaho dahil sa kakulangan ng kita. Sa isang sarbey nga ng Ibon noong Abril, naiulat na 71% ng mga Pilipino ay di sapat ang kinikita para matustusan ng maayos ang kanilang pamilya. Kaya nga’t ang underemployment rate ay tumaas sa 19.8% (6.6 milyong tao) mula 18.9% (6.3 milyon) noong Abril 2007. Tumaas din ang unemployment rate sa parehong panahon mula 7.4% (2.6 milyong tao) hanggang 8.0% (2.9 milyon).

Inflation: Nabanggit na ang walang humpay at mabilisang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin o produkto at pati na ang iba-ibang serbisyo. Nito lamang Hunyo, umabot ng 11.4% ang inflation – ang pinakamataas sa loob ng 14 na taon!

Pandaraya dito, pandaraya doon; kurakot dito, kurakot doon

Lalong lumubha ang katiwalian sa ilalim ng pamamahala ni Arroyo. Ayon sa taunang sarbey ng Transparency International, isang pandaigdigang samahan na nag-aaral ng korapsyon sa buong mundo, ang pang-65 ranggo ng Pilipinas sa pinakatiwaling bansa noong 2001 – nang mailuklok ng Edsa II si Gloria bilang pangulo kapalit ng pinatalsik na si Erap – ay lumusong pa sa ika-131 noong 2007. “Pinakamatino” sa corruption index ng TI ang pang-una (1), at “pinakamasahol” naman ang panghuling bilang o 179 na mga bansa noong isang taon:

  • Ang eskandalong “Hello, Garci,” ang usapan sa telepono nina GMA at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano, na naglantad sa sistematikong pandaraya sa eleksyong pinagwagian ni Gloria noong 2004.
  • Ang “fertilizer scam” ni Joc-joc Bolante, kung saan ang para sana sa mga magsasaka na pondong P728 milyon sa Department of Agriculture ay inilihis bilang pondo sa pangangampanya nina Gloria sa halalan noong 2004.
  • Ang misteryosong deposito sa bangko ni umano’y “Jose Pidal” (pinaniniwalaang si Mike Arroyo, asawa ni Gloria), na malamang ay galing sa iba-ibang katiwalian at umaabot ng P200 milyon.
  • Ang patagong paggamit ng nakukuhang buwis sa road user’s tax para sa mga “operasyong pulitikal” laban sa mga “kaaway” ng rehimeng Arroyo o para “pagandahin” ang imahen nito.
  • Ang tinatayang P532 milyon na “patong” sa paggawa ng Macapagal Blvd. mula Pasay hanggang Parañaque.
  • Ang patuloy pa ring mga payola o “lagay” ng mga sindikato sa jueteng, katulad din noong panahon ng gobyernong Estrada.
  • Ang malaking panggagantso sa konstruksyon ng NAIA Terminal 3 ng PIATCO.
    Ang panunuba sa planong poll computerization o automation daw ng Comelec, na nagwaldas lang ng P1.3 bilyon.
  • Ang katiwalian sa North Rail project, na binuriki sa $503 milyong badyet dito.
  • Ang mala-tulisang kontrata ni Norberto Gonzales sa kumpanyang Venable para “pabanguhin” sa Amerika ang nakakasulasok na “amoy” ng gobyernong Arroyo.
  • Ang ZTE broadband deal na nagkakahalaga ng $329 milyon, na kung natuloy ay titiba sana ang mga itinuro ni Jun Lozada (Mike Arroyo, Benjamin Abalos, atbp.) ng di-bababa sa $130 milyon o bilyun-bilyong pisong kurakot!

May ”maitim” na pakana din sa paghirang (o paggantimpala) kay Romulo Neri bilang bagong administrador ng Social Security System (SSS) umpisa ngayong Agosto, at pinakapinuno ng bagong tatag na national social welfare program (NSWP). Dahil sa kanyang baluktot na katapatan kay Gloria – nakimagmatigasan siyang huwag idawit si Gloria kahit halatang-halata naman na may kinalaman ito sa ZTE scam – delikadong “pakialaman” na naman ng grupo ni Arroyo ang bilyon-bilyong pondo ng NSWP (P45 bilyon) at ng SSS (P247.74 bilyon), na mula sa pinaghirapang pera ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Bukod sa personal na gamit, maaari ding gamitin ito sa nalalapit na pambansang eleksyon sa 2010 (na ginawa na nga sa ferilizer scam ni Bolante noong 2004). At dahil sa pagtalaga kay Neri bilang miyembro ng gabinete, sakop muli siya sa inaabusong ”executive privilege” ni Gloria.

Umuusbong na munting pasista

Kasabay ng paglawak ng malakihang korapsyon – na palaging direkta o di-direktang naiuugnay sa mga kapamilya at galamay ni Gloria – ay ang walang pakundangang pagpapataw o pagbaluktot ng mga batas o patakaran upang maprutektahan sa anumang paraan ang kanilang kontrol sa kapangyarihan, at pigilang malantad sa publiko ang kanilang mga iregularidad (sa mga “proyekto,” sa mga eleksyon, sa mga “gapangan” sa Kongreso, lalo na kapag may tangkang impeachment kay Arroyo, atbp.).

Pinakatampok dito ang polisiyang calibrated preemptive response (CPR) noong Setyembre 21, 2005 (na anibersaryo pa man din ng batas militar ng diktadurang Marcos), na naghudyat sa marahas na pambabasag ng mga kilos-protesta; ang Executive Order (EO) 464 noong Setyembre 26, 2005, na ikinatwiran ang “executive privilege” daw una’y para pigilan ang imbestigasyon ng Senado sa hokus-pokus sa halalan noong 2004 at sa anomalya sa North Rail Project (at sa huli’y sa mga sumunod pang mga katiwalian ng gobyerno, kabilang ang sa ZTE); at ang Presidential Proclamation (PP) No. 1017 noong Pebrero 24, 2006, na nagdeklara ng state of emergency para masupil ang malawakan sanang kilos protesta.

Ipinawalambisa ng Korte Suprema noong kalagitnaan ng 2006 ang maraming bahagi ng mga naturang “batas” – isang patunay na hindi lang di-makatarungan, kundi iligal din ang “ligal na pagsasangkalan” nina Gloria para supilin ang malawakang pagtutol sa kanyang rehimen at para pagtakpan ang kanilang mga pandarambong.

Kaagapay ng nasabing “ligal na mga panunupil” sa mga karapatan at katotohanan ay ang pagdami din ng mga kaso ng pagpatay at pagdukot, lalo na sa mga aktibista at iba pang kritiko ng pamahalaan, kasama ang mga manunulat o mamamahayag, relihiyoso, at mga estudyante. Maraming insidenteng ganito ang masusi at obhetibong naidokumento, kabilang ang ginawang imbestigayon ni Philip Alston sa Pilipinas noong 2007, bilang United Nations (UN) Special Rapporteur on extrajudicial killings.

Hatol ng Bayan

Hindi nakapagtataka na tuluyan at grabeng lumusong ang “popularidad” ni Gloria sa negative 38 noong Hunyo, ayon sa sarbey ng SWS. Ito na ang pinakamababang approval rating ng isang pangulo ng Pilipinas buhat noong 1986 o nang papabagsak na si Marcos. Pagpopormalisa nga lang talaga ito ng matagal nang kinikimkim na poot at yamot ng mamamayan sa rehimeng Arroyo – bunga ng malaganap at lumalala pang kahirapan, anomalya, at pagsupil sa katotohanan at mga demokratikong karapatan.

Sa unang pagkakataon, mayorya ang narehistrong “dissatisfaction level” kay Gloria sa lahat ng mga rehiyon sa buong bansa, kahit sa sinasabi niyang “balwarte” sa Kabisayaan: 63% sa Metro Manila, 60% sa Luzon (labas ng NCR), 56% sa Visayas at 62% sa Mindanao. Gayundin ito sa lahat ng mga social classes (mayayaman, middle class, masa at mahihirap) at lahat pa ay negatibo ang ibinigay na grado kay Gloria: -37 sa class ABC, -35 class D, at -45 class E!

Mistulang gahibla na lang ang lamang ng diktador na si Ferdinand Marcos kay Gloria Macapagal-Arroyo sa tala ng kung sino ang pinakainaayawang presidente sa kasaysayan ng ating bansa. Lamang pa rin talaga si Marcos sa bigat ng ginawa niyang pagyurak sa demokrasya’t kalayaan; sa dami ng pinapaslang, pinadukot at pinakulong; sa laki ng kinamkam na mga yaman; at sa lawak ng pininsalang kinabukasan. Subalit nagawa lahat ng mga ito ni Marcos sa loob ng 20 taon – samantalang marami na at mabilisan pang dumadami at sumasahol ang korapsyon, paniniil, kahirapan, pagbaluktot sa batas at katotohanan sa ilalim ng rehimen ni Gloria sa loob lamang ng pito at kalahating taon ng pagkakaluklok niya sa kapangyarihan!

Hindi na kailangan pang hintayin ang pagtatapos ng kanyang termino sa 2010. Base sa karanasan, tiyak na may niluluto na namang “milagro” ang pangkating Arroyo para manatili sila sa puwesto – puwedeng si Gloria pa rin o kaya’y isang masunurin niyang bata-bata. Panahon na para tuluyang hugutin sa puwesto ang pekeng pangulong ito na nagdulot lamang ng malawakang kahirapan at kaapihan sa sambayanang Pilipino.

Ang isang sukdulang ganid at mapanlinlang na gobyerno – at sa paglipas ng araw ay matulin pang nagiging mapaniil – gaya ng kay Arroyo, ay wala nang pag-asang “magbago” o “magreporma” ng sarili. Samakatwid, dapat itong tanggalin sa puwesto sa pamamagitan ng aklasang bayan o ng people power sa mas madaling panahon – bago ito makapanakit ng marami pang tao, lalo pang makapagnakaw, at lalo pang makapaminsala sa ating bansa at sa ating kinabukasan.

Sona ni Gloria, hindi Sona ng bayan!

Tama na ang pagtitiis at “pasensya,” lumaban na!

Wakasan na ang pananamantala, patalsikin ang rehimeng Arroyo!

Mabuhay ang uring manggagawa!

Mabuhay ang mamamayang Pilipino!

Mabuhay ang kilusang paggawa!

6 thoughts on “SONA NG BAYAN: INUTIL AT PINAKASUSUKLAMANG PANGULO NG PILIPINAS – TANGGALIN NA SA PWESTO!

  1. PALAGAY KO KAHIT SINUMANG MAGING PANGULO AY HINDI NA MAWAWALA ANG “GRAFT AND CORRUPTION” PERO MAAARING MABAWASAN KUNG SINUMAN KILA SEN. ESCUDERO ANG MAMAHALA NG PILIPINAS

  2. Dapat tayong magtulugnan imbes na magsiraan!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!! ———feb 20, 2009

Leave a Reply